Dapat na piliing mabuti ang bansang magsisilbing third party sa planong joint investigation ng China at Pilipinas kaugnay ng Recto Bank incident.
Ito ang pahayag ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel makaraang sabihin ng Malacañang na nais ni Pangulong Duterte na magkaroon ng partisipasyon sa imbestigasyon ang isang neutral third country.
Aniya, sang-ayon siya sa nais ng Pangulo pero dapat ay hindi galing sa ASEAN countries ang tatayong neutral party sa bubuuing joint investigation team.
Halos lahat kasi aniya ng mga bansang kasapi ng ASEAN ay may utang sa China kaya posibleng pagdudahan lang ang magiging resulta ng imbestigasyon.
Naniniwala din si Pimentel na dapat aksyunan ng gobyerno ang umano’y “hit and run” incident sa Recto Bank dahil posibleng makompromiso ang soberenya ng bansa.