Mariing kinondena ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang banta ng China na huhulihin ang mga dayuhan na pupunta sa inaangkin nitong West Philippine Sea (WPS) na nasa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas.
Diin ni Romualdez, ang naturang pahayag ng China ay nagpapatindi lamang ng tensyon sa WPS at labag din sa international law at mga nakalatag na patakaran na sinusunod ng Pilipinas at iba pang bansa na may inaangkin ding teritoryo sa South China Sea.
Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez na ipaglalaban ng Kamara ang ating soberenya at karapatan ng mamamayang Pilipino at hindi nito hahayaan ang China na arestuhin ang ating kababayan tulad ng ating mga mangingisda sa sarili nating EEZ.
Mensahe ito ni Romualdez makaraang i-ulat ng South China Morning Post na binigyan umano ng kapangyarihan ng Chinese Government ang China Coast Guard na hulihin ang sinumang papasok sa binabantayan nitong teritoryo kasama ang pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Kaugnay nito, iginiit ni Romualdez sa China na igalang ang Arbitral ruling, na kinikilala rin ng mga bansa sa mundo na nagsasabing ang Pilipinas ang may karapatan sa WPS.