Banta ng COVID-19, nananatiling mataas – DOH

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag magpakampante at sumunod lamang sa health protocols lalo na at nananatiling mataas ang banta ng COVID-19.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang laban ng bansa sa pandemya ay hindi pa rin natatapos.

Iginiit ni Duque na hindi pwedeng mag-relax ang publiko kahit nagkakaroon ng magandang development hinggil sa mga bakuna.


Babala ng kalihim na kapag hindi nasunod ang minimum health standards ay posibleng mawala lamang ang lahat ng nasimulang progreso nitong mga nagdaang mga buwan.

Binigyang diin pa ni Duque na ang bakuna ay hindi lamang ang natatanging solusyon sa health crisis, kundi ang kooperasyon ng publiko.

Ang dalawang vaccine developers mula China – ang Sinovac Biotech at Clover Biopharmaceuticals ay nakapasa na sa evaluation ng Vaccine Experts Panel ng Department of Science and Technology (DOST) at sa review ng Single Joint Review Ethics Board (SJREB).

Kailangan pa rin ng dalawang vaccine developers na makakuha ng approval mula sa Food and Drug Administration (FDA) bago nila simulan ang clinical trials ng kanilang COVID-19 candidate vaccines sa Pilipinas.

Facebook Comments