BANTA NG CYBER ATTACKS, PINAGHAHANDAAN NG MGA LGU SA LA UNION

Pinalawak ang kaalaman at kahandaan ng mga lokal na pamahalaan sa La Union laban sa banta ng cyberattacks sa pamamagitan ng isinagawang Computer Emergency Response Team (CERT) training.

Dinaluhan ang pagsasanay ng personnel mula sa 18 LGU, gayundin ng mga kinatawan mula sa telecom companies at mga electric at water utility providers.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Region 1, tinalakay sa aktibidad ang pagtukoy ng cyber threats, paghahanda ng incident response plan, risk management, at mga hakbang sa mabilis na pagbangon matapos ang insidente.

Sa pamamagitan ng hands-on exercises at group workshops, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na magsagawa ng simulation ng cybersecurity protocols at mapalakas ang koordinasyon sa panahon ng insidente.

Binigyan din sila ng gabay sa pagbuo ng kani-kanilang Government Computer Emergency Response Team (GCERT) na magsisilbing pangunahing yunit sa pag-iwas, pag-detect, at pagtugon sa cyberattacks.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahalaga ang pagkakaroon ng functional GCERT upang maprotektahan ang sensitibong datos ng pamahalaan, mapanatili ang serbisyo publiko, at mapaigting ang cyber resilience ng mga institusyon sa lalawigan.

Facebook Comments