Manila, Philippines – Iginiit ni opposition senator Risa Hontiveros na unconstitutional ang banta ng ilang kongresista sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag bigyan ng budget para sa taong 2018 ang Commission on Human Rights o CHR.
Katwiran ni Hontiveros, ang CHR, na isang constitutional commissions, katulad ng Office of the Ombudsman at hudikatura ay hindi maaring tanggalan ng budget.
Giit pa ni Hontiveros, ang pagkakait ng budget sa CHR ay pagkakait din ng karapatang pantao para sa taongbayan.
Ayon kay Hontiveros, walang basehan ang panukalang zero budget para sa CHR.
Ito ay sapagkat isang malaking kalokohan at kasinungalingan ang akusasyon sa CHR bilang tagapagtanggol ng mga kriminal.
Binigyang diin ni Hontiveros na kapag tinotoo ng Kamara ang nabanggit na banta ay magbibigay ito ng signal sa national at international communities na ang Duterte government ay hindi nagbibigay proteksyon at hindi nagsusulong ng karapatang pantao.
Paalala pa ni Hontiveros sa mga mambabatas, ang mandato ng CHR ay tiyaking walang magiging pag-abuso sa panig ng gobyerno at mga otoridad.
Kasama din aniya sa trabaho ng CHR na tiyaking napapangalagaan ang karapatan ng mamamayan, lalo na ang mga mahihirap.