BANTA NG TSUNAMI, PINAGHAHANDAAN SA DAGUPAN CITY

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa sakuna, isasagawa ng Dagupan City ang isang buong araw na Tsunami Preparedness and Evacuation Planning Initiative bukas, Nobyembre 18.

Katuwang ng lungsod ang DOST-PHIVOLCS sa pagdadala ng kaalaman at teknikal na gabay para ihanda ang komunidad sa posibleng pagyanig at tsunami, lalo na kung tumama ang isang malakas na lindol na maaaring manggaling sa Manila Trench.

Sa isang scenario na tinalakay ng PHIVOLCS, ang magnitude 6.5 na lindol ay posibleng magdulot ng 5 hanggang 7 metrong taas ng tsunami sa Dagupan, isang panganib na kinakailangang paghandaan.

Sa aktibidad, magsasagawa ang PHIVOLCS ng Information, Education, and Communication (IEC) campaign, pati na rin ng Tsunami Evacuation Plan and Mapping Workshop.

Labinlimang barangay na nasa Red Zone ng Tsunami Hazard Map ang sasailalim sa pagsasanay, kasama ang suporta ng mga opisina ng lokal na pamahalaan at ng Quick Response Team.

Layon ng inisyatibo na tiyaking alam ng mga residente ang dapat gawin, saan lilikas, at paano kikilos sa oras ng panganib. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments