Para kay Senator Ronald Bato Dela Rosa, makatwiran ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang visiting forces agreement o VFA sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.
Banta ito ng Pangulo kapag hindi inayos ng pamahalaan ng amerika sa loob ng isang buwan ang kinanselang US visa ni Senator Dela Rosa.
Diin ni Dela Rosa, si Pangulong Duterte ay isang leader na ayaw sa hindi patas na trato sa kanyang mamamayan.
Ayon kay Dela Rosa, hindi sya karapat dapat sa ganitong bargain ng pangulo pero hindi lang naman ito patungkol sa kanya.
Paliwanag ni Dela Rosa, nagpapakita ng hindi patas na foreign relations kung malayang makakapasok sa ating bansa ang mga sundalong amerikano pero may mga senador tayo na pagbabawalang pumasok sa teritoryo ng amerika.
Katwiran pa ni Dela Rosa, ang pinag-ugatan lang naman ng pagkansela ng Amerika sa kanyang visa ay ang kanilang pakikisawsaw sa mga isyu o kaganapan sa ating bansa.