Manila, Philippines – Pinamamadali ni House Speaker Gloria Arroyo ang panukala na tuluyang nagbabawal sa paggamit ng mga plastic containers at bags.
Layunin ng House Bill 3579 na inihain ng speaker na maprotektahan ang kapaligiran sa pamamagitan ng hindi na paggamit ng mga plastic containers at bags.
Layon din nito na mapigilan ang pagkasira ng mga natural habitats tulad ng mga ilog at karagatan.
Tinukoy ni Arroyo na dumarami ang plastic na naitatapon sa dagat na nakakain ng mga isda na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ang mga plastic din ang dahilan kung bakit kumokonti ang mga nahuhuling isda at dahilan din kaya nagmamahal ang presyo dahil sa kakaunting suplay ng isda sa bansa.
Ngayon aniya ay nahaharap ang bansa sa impact ng climate change dahil sa iresponsableng solid waste management.
Hiniling ni Arroyo na pagsapit ng bicameral conference committee ay pagsamahin ang bill ng Kamara at ang panukala ni Senator Cynthia Villar kaugnay naman sa single use plastic bill.