Tila isang tabak ng Damocles ang nakaamba sa third telco ng Filipinas dahil sa lumalawak na pangamba sa Estados Unidos laban sa panganib sa seguridad na dala ng China Telecomunications.
Ipinatigil ng US Federal Communications Commission ang operasyon ng China Telecom (Americas) Corporation sa US dahil sa
mga kadahilanang pangseguridad.
Mismong si FCC chair Ajit Pail ang nagbigay-diin na inaatasan ng Chinese government ang mga kompanya tulad ng China Telecom na mag-espiya at kumuha ng mga sensitibong impormasyon at harangin ang US communications.
Ang China Telecom at tatlong iba pang telcos ay inatasan ng FCC na maglabas ng ebidensiya na nagpapatunay na hindi sila kontrolado ng Chinese government.
Ang parehong pangamba sa banta sa seguridad ng China Telecom, partikular sa telecommunications industry, ay inihayag nina Senador Francis Pangilinan, Senate Majority Floor leader, at Senadora Grace Poe.
“China Telecom is a Chinese company, what if the Chinese government says — you have access there…you are mandated to turn over information to us because we have the National Intelligence Law and the counter-Espionage Law,” wika ni Pangilinan patungkol sa ChinaTel.
Paulit-ulit na tinukoy ni Pangilinan ang panganib sa seguridad ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Dito-ChinaTel na nagpapahintulot sa pagtatayo ng communications facilities at cell towers sa mga kampo ng militar.
Samantala, sa nakaraang pagdinig sa Senado ay nagpahayag si Poe ng pangamba sa kabiguan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng National Security Council (NSC) na tiyakin ang kakayahan ng Filipinas na labanan ang nagngangalit na cybersecurity warfare.
Kinuwestiyon din ni Poe ang kahandaan ng Dito-ChinaTel na tuparin ang pangako nito sa unang limang taon na pagkakaloob ng serbisyo at pondohan ang telco project nito.
Ipinaalala rin ni Sen. Risa Hontiveros ang babala ng DICT na kakanselahin ng pamahalaan ang Certificate of Public Convenience and Necessity na ipinagkaloob sa Dito kapag nabigo itong mag-operate sa 2021.
“Initial failures in complying with its committed delivery of service, does not augur well for a franchise of 25 years long,” ani Hontiveros, at idinagdag na, “besides there are many issues with China evolving in the region for the coming years”.