Kinumpirma ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag na wala pa siyang natatanggap ngayon na subpoena kaugnay ng pagkakasangkot niya sa pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa isang panayam, sinabi ni Bantag na gusto niyang personal na dumalo sa preliminary investigation, pero isasaalang-alang din niya ang payo ng kaniyang mga abogado.
Dagdag pa ni Bantag, lalahok siya sa mga legal na pamamaraan para sa nasabing kaso na isinampa sa kaniya.
Matatandaang, nitong Martes ay naipadala na ng Department of Justice (DOJ) ang subpoena sa last known address ni Bantag, kung saan ang Barangay Captain sa Caloocan City ang tumanggap ng subpoena.
Pero, sinabi ng naturang kapitan ay hindi na umuuwi si Bantag simula nang maupo ito sa BuCor.
Una nang sinabi ng abogado ni Bantag na handa silang tanggapin ang subpoena sa Baguio City.
Samantala, nakatakda ang pagdinig sa Nobyembre 23, Miyerkules ng alas-9:00 ng umaga at Disyembre 5, Lunes ng ala-1:00 ng hapon.
Una na rin sinabi ni DOJ Assistant Secretary Spokesperson Jose Dominic Clavano IV na nasa 11 respondents ang nakatakdang tumanggap ng subpoena kaugnay sa kasong pagpaslang kay Percy Lapid.