Bantang kudeta sa liderato ni Senate President Tito Sotto III, hindi totoo ayon sa ilang majority senators

Pinabulaanan ng majority bloc ang panibagong banta ng kudeta sa liderato naman ni Senate President Tito Sotto III.

Ilang araw bago mag-isang buwan mula nang palitan ni Sotto si Senator Francis Escudero sa pwesto ay lumulutang naman ngayon ang usapin ng kudeta sa liderato at ang ipapalit umano na Senate President ay si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Senate President pro-tempore Ping Lacson, hindi ito totoo at ang pinaiingay na coup plot ay isang lumang rehashed psywar tactic na layong lituhin at intrigahin ang mga myembro ng mayorya.

Iginiit pa ni Lacson na wala ring katotohanan na may kinalaman ito sa kanyang pagbibitiw bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Tiniyak din ng senador na walang makakapagpahina sa kanyang adbokasiya laban sa korap at bulok na sistema partikular na sa hindi tamang paggamit at pangaabuso sa pera ng taumbayan.

Maging si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito na unang umamin na muntik na siyang kumalas sa mayorya ay iginiit na “super fake” ang kumakalat na balitang kudeta at siya ang uupong Senate President pro-tempore kapalit ni Lacson.

Facebook Comments