Mabilis na tinapos ang sesyon ngayong araw sa Mababang Kapulungan.
Ganap na alas 3:18 ngayong hapon ay sinuspinde hanggang bukas ang sesyon sa Kamara matapos lamang na basahin sa plenaryo ang ilang mga referrals ng mga panukalang batas.
Si Deputy Speaker Raneo Abu ang nag-preside kung saan 299 na mga kongresista ang present sa plenaryo.
Hindi naman natuloy ang sinasabing coup’ attempt ngayong hapon para ideklarang bakante ang pwesto ng Speaker at mga Deputy Speakers.
Matatandaang kahapon ay naging maugong ang ipinadalang mensahe ng umano’y bantang kudeta ni Deputy Speaker Paolo Duterte sa Speakership ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano matapos na makaladkad ang kanyang pangalan sa isyu ng hindi pantay na alokasyon sa infrastructure project sa mga distrito.
Agad namang nilinaw ni Polong at mga kaibigan nitong kongresista na dahil sa sobrang pagkadismaya lamang kaya niya nasabi ang banta at nilinaw na dumidistansya siya sa isyu ng mga mambabatas sa hindi patas na pondo sa mga infra projects.