Bantang pag-atake ng mga terorista sa ilang lugar sa Mindanao, personal na ipinaalam ng pangulo sa Senate at House Leaders

Manila, Philippines – Tatlong oras tumagal ang pakikipag-pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi kina Senate President Koko Pimentel, Senate Majority Leader Tito Sotto III, Senate Minority Leader Franklin Drilon at ilan pang Senador.

Ayon kay Sotto, kasama din sa nabanggit na pulong na biglaang ipinatawag ng pangulo sina House Speaker Pantaleon Alvarez At House Majority Leader Rudy Farinas.

Sabi ni Sotto, ipinabatid sa kanila ng pangulo ang mga developments sa sitwasyon sa Mindanao na nananatili pa ring nasa ilalim ng batas militar simula pa noong may 23 kasunod ng pag-atake ng Maute terror group sa Marawi City.


Pangunahin aniyang binanggit ng pangulo na may tatlong lugar sa Mindanao at planong atakehin din ng mga terorista pero tumanggi muna si Sotto na tukuyin ang nabanggit na mga lugar.

Dagdag pa ni Sotto, may mga sensitibong isyu pa kaugnay nito ang inilahad sa kanila ng pangulo na hindi sya otorisadong isapubliko.

Wala naman anyang partikular na tulong na hiningi ang pangulo sa mataas at mababang kapulungan kaugnay ng mga bagong pangyayari sa Mindanao.

Ayon kay Sotto, binanggit din sa kanila ng pangulo na nais nitong madagdagan ng 20,000 ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines.

Facebook Comments