Hindi pa rin iaatras ng mga pribadong ospital ang banta nilang pagkalas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa kabila ito ng nabuong kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at kanilang partner hospitals para solusyunan ang isyu sa hindi pa rin nababayarang COVID-19 claims.
Sabi ni Dr. Jose Rene de Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi), nagkausap sila ng PhilHealth noong Lunes kung saan nangako ang ahensya na pabibilisin ang pagproseso at pagbabayad sa kanilang utang.
Pero kung mabibigong bayaran hanggang sa katapusan ng Nobyembre, tuloy ang pagkalas ng mga ospital sa PhilHealth.
Samantala, ngayong linggo inaasahang ilalabas ng PhilHealth ang ikalawang bugso ng bayad nito sa COVID-19 claims ng mga ospital.