Pinaghandaan na ng mga residenteng nakatira sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Ompong ang paghagupit nito.
Ayon kay Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano, patuloy ang pag-iikot nila kasama ang rescue team at mga pulis sa mga barangay na posibleng bahain at magkaroon ng landslide o pagguho ng lupa.
Pinaalalahanan din ang mga residente na agad lumikas bago pa man tuluyang maramdaman ang hagupit ng Ompong.
Aminado naman si Soriano na hindi nila maiwasang ikumpara ang Ompong sa bagyong Lawin noong 2016.
Sa bayan ng Santa Ana, Cagayan, sinabi ng alkaldeng si Darwin Tobias na magsasagawa sila ng preemptive evacuation lalo sa mga barangay na malapit sa dalampasigan.
Inaasahan kasi ang mga daluyong o storm surge na may taas na 6 na metro o 19 talampakan sa mga dalampasigan ng Cagayan, Isabela at Ilocos Sur.
Sa bayan naman ng Pasuquin, Ilocos Norte, nagsimula nang lumikas sa evacuation centers ang ilang pamilya.
Lumikas na rin ang mga nakatira malapit sa dagat sa bayan ng Pagudpud.
Minabuti na rin ng mga hotel at resort owner sa Pagudpud na paalisin ang mga bisita at huwag na munang tumanggap ng mga bagong booking habang may banta ng Ompong.
Sa Batanes, nag-ikot din ang mga awtoridad para paalalahanan ang mga residente na maghanda.
Itinali na rin ng mga residente ang kanilang mga bubong at pinutol ang ilang puno sa kanilang mga bakuran.
Inihayag din ng mga residente na handa silang lumikas kapag tumaas ang alon.