BANTAY BIGAS | Pagkakaroon ng murang bigas kapag naipatupad ang rice tariffication, tiniyak

Manila, Philippines – Tiniyak ni Senator Koko Pimentel na magbubunga ang implementasyon ng rice tariffication sa pagkakaroon ng murang bigas sa bansa.

Sagot ito ni Pimentel sa pahayag ni Agriculture Secretary Manny Piñol na mawawala ang murang NFA rice sa oras na maipatupad ang rice tariffication.

Pero paliwanag ni Pimentel, hindi lang naman ang NFA rice ang abot-kayang bigas dahil mas magiging maganda ang kompetisyon nito sa merkado kaya dadami ang uri ng murang bigas.


Ipinaalala din ni Pimentel kay Piñol na ang rice tariffication ay tugon ng Kongreso sa naging kapabayaan at kapalpakan ng National Food Authority o NFA kaya nagkaroon ng problema sa suplay ng bigas at tumaas ang presyo nito.

Sa ilalim ng rice tariffication, sa halip na NFA lamang ay papayagan na ang pribadong sektor na umangkat ng bigas basta at magbabayad ng kaukulang taripa at buwis.

Ang makokolekta naman sa pamamagitan ng rice tariffication ay gagamitin pantulong sa mga magsasaka.

Facebook Comments