Manila, Philippines – Aminado si Agriculture Secretary Manny Piñol na may problema sa iregular na rice importation ng National Food Authority (NFA).
Hindi naman aniya nakatutulong ang mga inaangkat na rice supply para mapanatiling matatag ang presyo.
Hindi naman ramdam ang ‘access’ ng mga mamimili sa murang bigas.
Batay aniya sa sinusunod na market requirement, sampung porsiyento lamang ang volume na isinu-supply ng NFA sa mga pamilihan.
Bilang bagong polisiya matapos ibalik sa ‘mother agency’ ang NFA, sinabi ng kalihim na pahihintulutan nila ang local farmers na mag-produce ng tinatawag na ‘fancy rice’ upang hindi madehado ang mga ito sa bigas na ipinapasok mula sa ibang bansa.
Kaugnay nito, hindi lamang sa supply ng bigas ang magiging pokus ng Department of Agriculture (DA) kundi kasama pa sa agenda nito ang pagpapalawak sa ‘Malasakit Store’ kung saan itinitinda ang mga gulay, prutas, isda at karne mula sa Mindanao sa napakamurang halaga para sa Metro Manila.