Isinusulong ni 1-Ang Edukasyon Party-List Rep. Salvador Belaro ang pagbibigay ng “relocation allowance” at pagkakaroon ng Department of Education (DepEd) ng sariling hostel o lodging para sa mga guro na nagtuturo malayo sa kanilang tahanan.
Ito ay upang maiwasan na ang krimen tulad sa nangyaring pagpaslang sa isang public school teacher na si Mylene Durante na pinatay sa loob ng opisina ng Oringon Elementary School sa bayan ng Pio Duran sa Albay kung saan ito nagtuturo.
Ang guro ay pinayagan na gamitin ang pasilidad ng paaralan at matulog sa principal’s office pagkatapos ng klase dahil malayo ang tinitirahan nito at para na rin makatipid.
Iminungkahi ni Belaro sa gobyerno na magbigay ng “relocation allowance” sa mga gurong malalayo ang tahanan para magamit sa upa sa apartment o kwartong marerentahan malapit sa paaralang pinagtuturuan.
Iginiit din ng kongresista na mas mainam kung bawat bayan o syudad sa bansa ay magkakaroon ng DepEd run hostel o apartments upang hindi na mahirapan ang mga guro na makahanap ng mauupahan.
Isinisisi ng mambabatas ang pagkamatay ng guro sa kawalan ng sistematikong solusyon para tugunan ang pangangailangan ng mga public school teachers.
Pinamamadali na rin ni Belaro ang pagapruba sa kanyang inihain na House Bill 7154 o On-Site Housing for Teachers Act at House Bill 4252 o ang dagdag na police visibility sa mga paaralan.