Manila, Philippines – Nangako ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na naghahanap na sila ng paraan para matiyak ang kalusugan ng mga inmates ngayong mainit na panahon.
Sa datos ng BJMP, mayroon silang 145,476 na inmates sa buong bansa na may congestion rate na 601.91%.
Ayon kay BJMP Spokesman Senior Inspector Xavier Solda, nagpapatupad na sila ng mga hakbang para malabanan ang 10 sakit na tumatama sa mga inmates ngayong dry season.
Nangunguna ang upper respiratory tract infection sa madalas na tumatamang sakit sa mga inmates na may 12,700 na kaso.
Kasunod nito ang hypertension na may 9,651 apektadong inmates.
Bukod dito, kasama rin sa listahan ng sakit ay: allergic rhinitis; influenza; abscess; irritant contact dermatitis; scabies; acute gastro enteritis; asthma at heat rash.
Tiniyak ng BJMP, regular na nagsasagawa ng inspeksyon lalo na sa ventilation at water lines maging sa supply ng gamot.