BANTAY-SARADO | Mahigit 200 volunteer labor inspectors, mahigpit na babantayan ang mga establisyemento

Manila, Philippines – Umaabot sa 215 volunteer labor inspector ang binigyan ng general authority ni Labor Secretary Silvestre Bello III mula sa Professional Group, Labor Organization, Asosasyon ng mga manggagawa at Non-Government Organizations (NGO) upang magsagawa ng pag-inspeksyon sa mga establisyemento.

Ayon kay Bello ang General Authority ay nakapaloob sa Administrative Oder no. 36-C serye ng 2018 at may bisa ang mula Setyembre 25 hanggang Disyembre 31, 2018.

Paliwanag ng kalihim, makatutulong ito upang mapalakas ng DOLE ang workforce para sa mahigpit na pagpapatupad ng batas paggawa sa iba’t-ibang establisyemento sa Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga at National Capital Region.


Dagdag pa ni Bello na ang mga volunteer inspectors ay maaaring mag-interview ng mga manggagawa sa presensya rin ng Labor Laws Compliance Officer ng DOLE at kinatawan ng mga employer, siyasatin ang mga employment record at dumalo sa mga mandatory conference ng mga na-assess na establisyemento kung saan isailalim rin sila sa gabay at pangangasiwa ng DOLE Regional Director.

Facebook Comments