Manila, Philippines – Tiniyak ni NCRPO Chief Director Oscar Albayalde na mahigpit na babantayan ng mga pulis ang mga critical areas sa Metro Manila ngayong nalalapit na pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Albayalde, ito ang mga lugar o siyudad sa Metro Manila na may mga matataas na crime rate, may mga naitatalang kaso ng indiscriminate firing at madalas na may mga kaguluhan.
Partikular na tinukoy ni Albayalde ang mga lugar sa Navotas at Caloocan kung saan may naitalang indiscriminate firing noong nakaraang taon, ang Baseco area sa Maynila at Maharlika sa Taguig.
Kasama din sa mga pupuntahan ng PNP ngayong New Year para i-check ay ang mga designated fireworks display area.
Mula December 16 hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon ay mananatiling nakaalerto ang mahigit sa siyam na libong mga pulis na ipinakalat sa buong NCR.
Mananatili din ang Oplan Sita ng PNP at ang mga checkpoint operations alinsunod na rin sa marching order ni PNP Chief Bato dela Rosa na palaging i-secure ang kaligtasan ng publiko ngayong holiday season.