BANTAY-SEGURIDAD | LTFRB, ininspeksyon ang mga bus terminals

Cubao – Nagsagawa ng inspeksyon ang Land Transportation and Regulatory Board o LTFRB sa mga bus terminals sa Cubao, Quezon City.

Isa-isang sinilip ng mga tauhan ng LTFRB ang mga bus para matiyak na kumpleto sa permit, maayos ang sasakyan, nasa kondisyon ang mga driver para sa ligtas na pagbyahe ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Ilang mga bus naman ang hindi muna pinayagang makaalis matapos na makitang pudpod ang gulong ng mga bus.


Pinigilan munang makabiyahe ang Dimple Star Transport na byaheng pa-Iloilo at Mark Eve`s Transit na biyaheng Bicol dahil sa pudpod na gulong na hindi ligtas sa mahabaang oras ng biyahe.

Dahil dito, pinababa muna ang mga pasahero at hiniling na palitan muna ang gulong bago payagang makabiyahe.

Bagamat naantala at dismayado ang ilang pasahero, wala na rin silang magawa kundi ang maghintay dahil punuan at fully booked na ang mga biyahe para sa Bagong Taon.

Patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga pasahero sa Cubao bus terminal na karamihan ay mga chance passengers na nagbabakasakaling makakauwi sa New Year.

Facebook Comments