Manila, Philippines – Kasabay ng pahayag ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may isa pang lungsod ang target umanong guluhin ng teroristang ISIS ay hindi nagpapakampante ang mga tauhan ng PCG sa anumang banta ng terorismo.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesman Captain Armand Balilo, hindi rin tumitigil ang palitan ng impormasyon at koordinasyon nila sa PNP at iba pang Law Enforcement Agency para matiyak ang seguridad ng publiko.
Paliwanag ni Balilo, may koordinasyon din aniya ang kanilang mga Intelligence Operatives sa Intel Community para magpalitan ng impormasyon at validation sa kanilang counterpart.
Muli na namang pinaalalahanan ni Balilo ang publiko na hindi kailangan matakot o mangamba sa mga ganitong ulat dahil on-top ang mga kinauukulang ahensiya sa mga ganitong usapin.
Dapat lamang aniya na maging mapagmatyag ang mamamayan sa anumang kanina-hinalang kilos na kanilang makikita saanmang lugar at ipagbigay-alam agad sa mga otoridad.
Nauna nang inihayag ni NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde na maliban sa Lungsod ng Marawi ay may isa pang lungsod ang target na guluhin ng ISIS.
Ito ay kasunod na pagkakapurnada sa plano sanang panggugulo ng terorista dahil sa pagkakaaresto ni Fehmi Lassqoued at kinakasama nitong Pilipina.