Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tuloy ang ang mga preparasyon para sa May 14 Barangay at SK Elections sa kabila nang gumugulong na pagkilos sa Kamara na muling ipagpaliban ang petsa ng lokal na botohan.
Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo Año, hangga’t walang naipapasang batas ay walang batay sa postponement ng eleksyon sa ikatlong pagkakataon.
Kung si Año ang masusunod, mas pabor sjya na maisagawa na sa Mayo ang halalan upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na linisin ang hanay ng mga kasalukuyang barangay officials at mailuklok sa pwesto ang mga suportado ang ‘Agenda of Change’ ng Pangulo.
Nababahala naman si Año sa inilabas na consolidated report ng PDEA na nagpapakita na 32.3% o pitong libo (7,000) ng mahigit sa 42,000 barangay sa bansa ang saklot ng iligal na droga.
Ayon pa sa opisyal, sa pamamagitan lamang ng eleksyon magkakaroon ng bagong pag-asa ang mga komunidad mula sa bagsak na performance ng mga Incumbent Local Chief Executive sa kampanya sa illegal drugs, kriminalidad, korapsyon at iba pang masasamang aktibidad.
Iginiit ng DILG na sa paghalal ng mga lingkod bayan ay mahalagang usapin ang ‘accountability’ at hangga’t walang eleksyon ay walang tiyansa ang mga botante na palitan ang mga non-performing barangay official.