Manila, Philippines – Minamadali na ng Department of Interior And Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga at iba pang criminal activities bago ang Barangay at SK Election ngayong Mayo.
Sa interview ng RMN Manila kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño – anumang araw ngayong linggo ay sasampahan nila ng kaukulang kaso ang mga natukoy sa 17,000 barangay officials na nasa drug watchlist ng Phillippine Drug Enforcement Agency.
Damay din aniya ang mga opisyal na hindi nagtatag ng Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC.
Una nang ipinanukala ng DILG na magkaroon ng mandatory drug test bilang requirements sa lahat ng tatakbong opisyal sa Barangay at SK Elections.
Kaugnay ng halalan sa Mayo, sinabi ni Diño na nakatakdang maglabas ang DILG ng mga panuntunan sa pagpili ng nararapat na Barangay at SK officials.