Umaasa ang isang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na hindi pipirmahan o i-veveto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa December 5, 2022.
Ito ay matapos aprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang mungkahing pagpapaliban sa BSKE ngayong taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Macalintal na hindi nakasaad sa Saligang Batas na ang Kongreso ay may kapangyarihan na mag-postpone ng eleksyon.
Paliwanag ni Macalintal, batay sa Saligang Batas na ang isang manunungkulan ay dapat merong mandato ng taumbayan.
Aniya, kapag pinagpaliban ang BSKE at na-extend ang mga opisyal o tinatawag na “holdover capacity” ay wala silang mandato.
Kung saan, base sa Korte Suprema na ang holdover ay legislative appointment.
Ibig sabihihn nito, sa ilalim ng Saligang Batas, ang mga barangay officials ay dapat elected at hindi appointed.
Sinabi pa ni Macalintal na wala naman nakalagay sa balota na pagkatapos ng tatlong taon ay ie-extend sila.
Giit ni Macalintal, kapag pinalawig pa ang termino ng mga nakaupong opisyal sa barangay ay lalabas na inaabuso nila ang kanilang kapangyarihan.