Agad na tumugon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa panawagan at reklamo ni Barangay Captain Marlon Zingapan kaugnay sa problema ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay PDEA Rizal Dir. Roberto Sebastian, handa ang PDEA na tulungan ang mga barangay sa pagtugis ng mga nasasangkot sa bawal na gamot lalo’t kung High Value Target (HVT) ang nasa drug watchlist na hawak ng mga barangay official at kapitan.
Paliwanag ni Sebastian, sa ngayon ay maganda ang relasyon ng PDEA at barangay at dahil ang mga ito ang unang nakakaalam at nakakakilala sa mga sangkot sa ilegal na droga kaya’t nahuhuli ang mga HVT.
Ang pahayag ay ginawa ni Dir. Sebastian makaraang hilingin ni Brgy. Mambugan Antipolo City Kapitan Marlon Zingapan ang tulong ng PDEA at Antipolo PNP para masugpo ang illegal drugs sa kaniyang nasasakupan hanggang sa maideklarang drug cleared ang Barangay Mabugan.
Giit ni Kapitan Zingapan, may tatlong drug personality ang patuloy nilang sinu-surveillance at hindi magtatagal ay madarakip din ang mga ito sa tulong ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Rizal at Antipolo PNP.