Bukidnon – Arestado ang Barangay Chairman ng Gango Libona, Bukidnon matapos makuha sa kanyang bahay ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas kaninang umaga.
Ayon kay Captain Joe Patrick Martinez, ang tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, dakong alas-7:00 ng umaga kanina nang isagawa ng mga tauhan ng 4th Infantry Division ng Philippine Army at Police Regional Office 10 ang pagsalakay sa bahay ni Barangay Chairman Eliazar Ebona.
Ikinasa ang pagsalakay makaraang mag-isyu ng search warrant ang korte para sa kasong illegal possesion of firearms laban kay Ebona.
Sa ulat, binabantaan daw kasi ng Barangay Chairman ang mga residente sa lugar sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang mga armas upang hindi mahinto ang kanyang umano’y iligal na pagmimina sa lugar.
Nakuha sa bahay nito ang isang M16 rifle with ammunition, isang AK47 rifle with ammunition, tatlong m22 rifle with ammunition, isang cal 45 pistol with ammunition, isang 9mm pistol with ammunition, isang kevlar at isang vest.
Nakuha rin ang nasa limang kilo ng hinihinalang amonium nitrate.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng CIDG 10 ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516.