Inihayag ngayon ng Pasig City Government na isasailalim na rin sa ‘barangay coding’ ang lahat ng mga establisyemento ng lungsod dahil nakitang epektibo sa Pasig Mega Market ang ginawang Barangay Coding.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, kailangangang palalawakin ang ‘barangay coding’ para lalo pang ma-“flatten” ang “curve” ng mga positibong pasyente ng COVID-19 sa lungsod.
Paliwanag ng alkalde na sa Huwebes, April 30, ang unang araw ng ‘barangay coding’ at ang sistema nito ay kagaya ng ipinatupad sa Pasig Mega Market kung saan dalawang beses lang pwedeng lumabas para mamili.
Kailangan umano na kada 10 barangay ang hatian kung saan may naka-schedule ng Lunes at Huwebes, Martes at Biyernes; at Miyerkules at Sabado.
Dagdag pa ni Sotto, aminado silang mahirap i-monitor kung talaga bang bumibili lang ng pagkain ang mga lumalabas kaya nagpasaklolo na rin sila sa Pasig PNP.
Giit pa ng alcalde, gagamit na sila ng permit at Pasig PNP ang magde-deliver nito sa bahay bahay, at sa Lunes naman, May 4, mahigpit na ipatutupad ang kailangan mayroong permit bago lumabas sa kanilang lugar.
Base sa pinakahuling tala Pasig City Government, umabot na sa 305 ang positibong kaso ng COVID-19, 55 dito ang nasawi at 79 ang naman gumaling na sa Pasig City.