Naniniwala ang Antipolo City Government na malaking tulong ang muling pagpatutupad ng Barangay Coding upang malimitahan ang mga taong lumalabas ng bahay kahit na nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang buong Rizal.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, nag-desisyon na siyang muling ipatupad ang Barangay Coding Scheme sa buong Antipolo City dahil napansin ng alkalde sa kanyang pag-iikot noong Lunes na maraming residente ang sabik na sabik lumabas ng bahay at nakalimot na agad sa physical distancing, maging ang pagsusuot ng face masks.
Paliwanag ng alkalde, ilang mga establisyimento rin ang dinagsa gaya ng isang money transfer service branch sa Brgy. San Roque na napilitang muling magsara dahil nahirapan sa pagpapatupad ng social distancing sa kanilang mga kliyente.
Sa ilalim ng Barangay Coding, Lunes at Huwebes ang iskedyul para sa Brgy. Sta. Cruz, Calawis, San Roque, San Luis at Inarawan; at Martes at Biyernes naman para sa Bagong Nayon, Muntindilaw, San isidro, Beverly Hills, Mayamot at Dalig.
Habang ang Miyerkules at Sabado naman ang iskedyul ng Brgy. Dela Paz, Mambugan, San Juan at San Jose kung saan lifted naman ang Barangay Coding tuwing Linggo pero kailangan pa rin ang Quarantine Pass tuwing lalabas ng bahay.
Giit ni Mayor Ynares, exempted naman sa Barangay Coding ang pagpunta sa botika o drugstore para bumili ng gamot.