Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng limang (5) kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Barangay District 1, Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Kapitan Esteban Uy, ito ay pawang mga empleyado rin ng Local Government Unit ng Cauayan na nagkaroon ng direktang pakikisalamuha sa nagpositobong empleyado na si CV823.
Aniya, nabigla rin ito ng lumabas ang resulta nitong Sabado (September 5) na may nagpositibong kabarangay nito.
Pinayuhan naman ng opisyal ang mga pamilya ng nagpositibong kabarangay nito na kung maaari ay manatili sa bahay hangga’t wala pang nailalabas na hakbangin ang City Epidemiology Surveillance Unit (CESU).
Tiniyak naman ng kapitan ang tulong para sa mga maaapektuhan ng nasabing pagkakaroon ng positibong kaso ng virus sa kanilang nasasakupan.
Samantala, isinasantabi naman ang posibilidad na magpatupad ng lockdown sa barangay district 1 dahil sa maaaring mag-ugat ito ng hindi tuloy-tuloy na matugunan ang kakailanganin ng mga residente dahil batid na ang nasabing barangay ay sentro ng komersyo sa lungsod.
Sa ngayon ay nananatili sa 25 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lungsod.