Cauayan City, Isabela- Isasailalim ng lokal na pamahalaan ng Angadanan sa 15-araw na hard lockdown ang Brgy. Fugaru dahil sa maraming bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Alinsunod ito sa desisyon ng Angadanan Inter-Agency Task Force kung saan alas-12:00 ng September 3 magsisimula ang lockdown at tatagal ng alas-6:00 ng gabi ng September 17, 2021.
Base sa facebook post ni Mayor Joelle Mathea Panganiban, nakapasailalim sa critical zone ang naturang barangay matapos maitala ang 38 aktibong kaso ng COVID-19 kung saan nanggaling umano sa iba’t ibang purok ang mga tinamaan ng virus.
Bahagi rin umano ng zonal containment strategy ang pagsasailalim sa hard lockdown ng barangay Fugaru.
Dahil dito, mahigpit na ipagbabawal ang paglabas ng kahit sinong residente sa lugar maliban nalang sa usapin ng emergency o medical cases.
Gayundin, ipagbabawal rin ang pag-inom, pagbili at paggamit ng videoke maging ang pagdaraos ng social gathering o anumang mga pagpupulong.
Tuloy-tuloy rin ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibong pasyente.
Samantala, pinag-iingat rin ang mga kalapit na barangay ng Esperanza, San Guillermo, Ingud Sur na nakapasailalim naman sa containment zone.
Siniguro naman ng LGU Angadanan ang pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhang residente sa loob ng 15-araw na lockdown.