Tiniyak ng Department of Health (DOH) na kabilang ang Barangay Health Workers sa makikinabang sa P27 billion na ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) bilang kabayaran sa natitirang utang sa Health Emergency Allowance Claims.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, agad paglalaanan ng pondo ng DOH ang Centers for Health Development sakaling matanggap na ang Special Allotment Release Order ng DBM.
Paglilinaw ng DOH, ang mga kwalipikadong Barangay Health Workers ay ang mga nakatalaga sa lisensiyadong health facilities at health-related establishments na may kaugnayan sa COVID-19 response.
Kaugnay nito, ang Centers for Health Development ang naatasang mag-asikaso ng disbursement ng Health Emergency Allowance sa local government units at Private Health Facilities na nakakasakop.
Kanina, inanunsiyo ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ilalabas na ang P27 billion na pondo na natitirang utang sa health workers.
Kabilang dito ang Special Risk Allowance, kompensasyon para sa COVID-19 sickness at death at iba pang allowances.