Barangay, inatasan ng DILG na pangunahan ang pagpapatupad ng ECQ sa Cebu City

Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang mga opisyal ng barangay sa Cebu City na pangunahan ang pagpapatupad ng quarantine restrictions.

Ito ay matapos na isinailalim sa hard lockdown ang Cebu City na una nang ibinalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Diño na dapat na maging istrikto ang barangay officials sa pagbabawal sa mga tao na lumabas ng kanilang mga bahay.


“Dapat ang barangay pangunahan na walang lalabas ng bahay dahil naka-ECQ na kayo. Tapos ngayon sinuspend ang paggamit ng quarantine pass. Anong ibig sabihin? ‘Pagkasinabi niyo na one week, walang lalabas ng bahay d’yan, ang makikita mo lang e ‘yung mga nagrerekorida na mga barangay official at mga pulis. Syempre nakahanda din d’yan ‘yung ayuda natin. ‘Yun dapat ang nangyayari sa Cebu ngayon,” ani Diño.

Aminado naman ang opisyal na nanghihinayang siya dahil hindi agad napondohan ang planong pagpapatayo ng mga Barangay Isolation Unit noong Pebrero.

Aniya, nakatulong sana ito para mapigilan ang pagdami ng mga tinatamaan ng virus.

Facebook Comments