
Inaresto ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang isang opisyal ng barangay mula Pangasinan matapos gumawa ng mahalay na kilos habang nasa isang biyahe ng eroplano mula Caticlan patungong Maynila.
Ayon sa ulat ni PNP Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) PBGen. Christopher Abecia, isang babaeng pasahero ang nagsumbong na nagpakita ng maselang bahagi ng katawan at gumawa ng malaswang kilos ang 54 na taong gulang na suspek habang nasa loob ng eroplano.
Dalawang saksi ang nagpatunay sa reklamo, dahilan upang agad itong i-report ng cabin crew sa PNP AVSEGROUP.
Paglapag ng eroplano, mabilis na umaksyon ang mga operatiba ng PNP AVSEGROUP at inaresto ang opisyal.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11313 (Safe Spaces Act) at Article 201 ng Revised Penal Code kaugnay ng malaswang gawain.
Sa ngayon, nakakulong na ang suspek sa NAIA Police Station 2 habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso.