Barangay Kagawad Naingayan, Namaril!

Cauayan City, Isabela – Dahil sa nakabibinging ingay ng tambutso ng motorsiklo, isang barangay kagawad ang namaril sa Purok 6 Brgy. Pinoma Cauayan City kahapon, Enero 1, 2018.

Kinilala ang suspek na si Joseph Estrada, 52, may asawa at kagawad ng nasabing barangay.

Ang biktima ay kinilala namang si Joey Fabros, 27, may asawa, magsasaka at pawang residente rin ng nasabing lugar.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, dakong alas 12:45 ng hapon kahapon, nagkayayaan ang biktima kasama ang isang Dino Fariñas, na siya ring may-ari ng motorsiklo, na magtungo sa isang tindahan para doon ituloy ang kanilag inuman.

Makailang ulit umanong pinaharurot ni Fariñas ang makina ng modified nitong motorsiklo na naglikha ng nakaririnding ingay.

Sinubukan umanong pigilan ng suspek si Fariñas at ang biktima sa kanilang ginagawa na nauwi sa mainit na pagtatalo at pagbaril ng suspek kay Fabros.

Agad namang isinugod ang biktima sa ospital na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita mula sa hindi pa natutukoy na baril.

Ayon kay Police Investigator Ryan Divina na siyang may hawak ng kaso, bagamat ligtas na ang biktima at may kasunduan na ang magkabilang panig, sasampahan pa rin ng kasong frustrated homicide si Estrada.

Facebook Comments