Barangay Kagawad sa Burgos Isabela, Pinagbabaril-Patay!

Burgos, Isabela – Dead on arrival sa pagamutan ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek, kaninang ala sais ng umaga sa Provincial Road ng San Antonio, Burgos, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang brgy. kagawad na si Leonardo Peralta Albano, animnapu’t siyam na taong gulang at nakatira sa Brgy. Caliguian, Burgos, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na habang nasa daan umano ang biktima papuntang town proper ng Burgos, na sakay ng kaniyang bisekleta ay nilapitan ito ng suspek at pinagbabaril ng maraming beses, kung saan ay nagtamo ng tama ng baril sa kaliwang pisngi at kaliwang kamay ang barangay kagawad.


Itinakbo ng nagrespondeng ambulance ng LGU Burgos ang biktima sa Manuel Roxas District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival na ito.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng caliber 9mm at bonete na maaring ginamit ng suspek.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Burgos at inaalam ang motibo ng pagpatay kay barangay kagawad Leonardo Albano.

Facebook Comments