Barangay Kapitan at Misis nito, Sugatan sa Pamamaril sa Cagayan!

*Cagayan- *Nakaligtas sa bingit ng kamatayan ang isang barangay Kapitan at asawa nito nang pagbabarilin kahapon ng hapon ng hindi pa matukoy na suspek sa Brgy. Magapit, Lal-lo, Cagayan.

Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Kapitan George Perciano at Elsie Perciano na residente ng Brgy. San Mariano, Lal-lo, Cagayan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga kapulisan, tinatahak ng mag-asawa ang kahabaan ng Brgy. Magapit lulan ang kanilang Mitsubishi Adventure nang sila ay biglang pagbabarilin ng dalawang kalalakihan.


Maswerte namang hindi napuruhan ang mag-asawa at nagtamo lamang ang mga ito ng sugat sa katawan na agad namang naisugod sa pagamutan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Ramon Macarubbo Jr, Hepe ng PNP Lal-lo, Cagayan, ang nasabing insidente ay hindi konektado sa anumang anggulo ng pulitika subalit away sa lupa ang kanilang nakikitang dahilan sa naturang pamamaril.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga kapulisan upang matukoy at mahuli ang mga suspek.

Nabatid na ang nasabing Kapitan ay una nang inambush noong Agosto taong 2017.

Facebook Comments