Barangay Kapitan, Patay sa Pamamaril, Kagawad at 2 iba pa; Sugatan!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang barangay Kapitan habang sugatan ang Kagawad at dalawa pa nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanilang sinakyang SUV pasado alas onse kagabi sa Brgy. Bagabag, Sto. Tomas, Isabela.

Kinilala ang nasawing Kapitan na si Manuel Ramento, 40 anyos, habang sugatan naman ang Kagawad nito na si May Glenn Padre kasama ang mga sakay na sina Noimi Gumtang, 26 anyos, at Althea Nicole Gumtang, 6 anyos na pawang mga residente ng Brgy. Bubug, Sto Tomas, Isabela.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Mariano Manalo, hepe ng PNP Sto. Tomas, habang pauwi sa kanilang bahay ang mga biktima lulan ang isang SUV van na minamaneho ni Padre at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang lumabas mula sa maisan ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima.


Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang opisyal habang tinamaan naman sa kaliwang bahagi ng paa ang 6 anyos na bata.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ang nasabing Kapitan.

Narekober ng mga otoridad sa lugar ang 32 na basyo ng M16 rifle habang patuloy pa ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat hinggil sa nangyaring insidente.

Facebook Comments