Mas pinagtibay ang papel ng mga barangay sa Dagupan City sa usapin ng seguridad at kaayusan matapos talakayin ng Sangguniang Panlungsod sa isang committee hearing ang panukalang ordinansa na magpapatupad ng lokalisadong resident registration system sa lungsod.
Sa pagdinig, tinalakay ang nasabing Draft Ordinance na naglalayong gawing pangunahing katuwang ang mga barangay sa pagrerehistro ng mga residente, boarders, at maging ng mga pansamantalang naninirahan sa Dagupan City.
Itinuturing ang panukala bilang mahalagang hakbang upang magkaroon ng mas malinaw at napapanahong datos na magagamit sa crime prevention, disaster response, at epektibong pagpaplano ng mga serbisyong panlungsod.
Binigyang-diin ng Dagupan City Police Office (DCPO) bilang isa sa sumusuporta sa panukala ang kahalagahan ng sistemang ito sa mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng pulisya at mga opisyal ng barangay.
Pinangunahan ni City Councilor Atty. Joey Tamayo, Chairperson ng Committee on Laws, Ordinances, and Judiciary, ang pagdinig kasama ang iba pang mga konsehal.
Aktibo ring nakilahok ang mga Chairperson ng Committee on Peace and Order at mga Chief Barangay Tanod mula sa lahat ng 31 barangay ng lungsod, na inaasahang mangunguna sa implementasyon ng nasabing sistema sakaling ito ay maaprubahan.
Tiniyak naman ng mga tagapagsulong ng ordinansa na isasaalang-alang ang mga probisyon sa data privacy at non-discrimination upang maprotektahan ang karapatan ng mga residente habang isinusulong ang layuning mapahusay ang ugnayan ng mga residente at ng lokal na pamahalaan.







