Cauayan City, Isabela- Maagang dinagsa ng mga botante ang South Central School ngayong Barangay at Sk Eleksyon.
Ito ang iniulat ni Dr. Liwliwa Calpo, Principal ng South Central School sa naging panayam ng RMN Cauayan kaninang umaga kung saan alas dose palang kaninang madaling araw ay nakahanda na ang mga guro para sa eleksyon.
Ayon kay Dr. Calpo, nagkaroon umano ng kaunting problema ang mga botante kaninang umaga sa kanilang paghahanap ng kanilang pangalan dahil nanibago umano ang mga ito sa mga magkakalayong presinto subalit paliwanag ni Dr. Calpo, na sa dami ng mga botante sa kanilang nasasakupan ay pinaglayo-layo na ang bawat presinto upang maiwasan ang siksikan.
Ayon pa kay Dr. Calpo, mayroon umanong labingdalawang presinto ang South Central School na ginamit ng District 1 habang ang District 3 naman ay mayroong labing isang clustered precints at may isa namang presintong nakalaan para sa mga SK Voters na nasa edad kinse hanggang edad disisyete.
Ang naganap na halalan ay minanduhan umano ng dalawang DepED Supervisor, dalawang Staff kasama ang mga kapulisan at mayroon din umanong animnapung guro ang nakibahagi at tumulong sa Barangay at SK Eleksyon sa District 1 at District 3.
Samantala, sinabi pa ni Dr. Calpo na magkasunod na bibilangin ang mga balota sa bawat presinto dahil iisa lamang umano ang set ng board of Canvassers sa kanilang mga hinawakang Polling Precinct.