Barangay Tanod na Nanita at Nanutok ng Baril sa Isang Nurse, Dinakip ng Otoridad!

1066

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng otoridad ang isang barangay Tanod matapos na ireklamo ng Nurse dahil sa paninita at panunutok nito ng baril sa kanya sa Brgy. Tabba, Pamplona, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Adrian Rodriguez, 39 anyos, tanod ng barangay Tabba habang ang biktima ay nakilalang si Angela Mae Bilas, 29 taong gulang, dalaga, nurse at residente rin ng naturang lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas 10:00 kagabi nang makatanggap ng sumbong ang himpilan ng pulisya mula sa biktima kaugnay sa ginawang pananakot sa kanya ng suspek habang siya’y nasa harapan ng kanilang bahay.


Una rito, sinita umano ng hindi naka uniform at naka off-duty na Tanod ang Nurse kung bakit daw ito lumalabas ng kanilang bahay sa kabila na nagtatrabaho ito sa RHU Pamplona hanggang sa nagkaroon na sila ng mainitang pagtatalo.

Dito na bumunot ng baril ang Tanod at itinutok sa Nurse na agad namang pumasok sa loob ng kanilang bahay.

Sa pagresponde ng mga pulis ay agad na inaresto ang suspek na hinihinalang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.



Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments