Barangay chairman sa Marikina, kakasuhan sa pagpapakalat ng fake news sa COVID-19

Sasampahan ng kaso ang isang barangay official sa Marikina City matapos umanong mag-anunsyo ng fake news na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa mayor.

Inihayag ni Mayor Marcy Teodoro na ipinakalat ni Barangay Tumana Chairman Ziffred Ancheta na may isang residenteng nagpositibo raw sa coronavirus disease.

Ibinalita ito ni Ancheta sa Facebook live nitong Huwebes, ngunit pinabulaanan ng health officials sa lungsod ang sinabi ng tserman na positibo ang isang security guard na nagtatrabaho sa Greenhills, San Juan.


Ayon sa mayor, nilabag ng tserman ang Data Privacy Act matapos ibunyag ang impormasyon ng pasyente, at sinuway ang protocol ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagpapahayag sa publiko ng anumang tungkol sa COVID-19 cases.

Hinikayat ni Teodoro ang lahat na maging responsable sa mga ipapaskil sa social media, lalo na kung may kinalaman sa coronavirus pandemic.

Sa ngayon ay mayroon ng anim na nakumpirmang kaso ng COVID-19 sa Marikina City, isa rito ay pumanaw na.

Facebook Comments