Naniniwala si Baras Mayor Kathrine Robles na nakuha nito ang COVID-19 sa pagtupad nito sa kanyang tungkulin bilang isang lingkod-bayan kung saan iba’t-ibang tao ang kanyang nakakasalamuha at kinakailangan umano niyang magtungo sa ibang bayan upang makipag-ugnayan sa mga programa ng Lokal na Pamahalaan.
Sa kanyang pagbubunyag nalulungkot ang alkalde na sa hindi inaaasahang pagkakataon nakuha nito sa pakikisalamuha sa kanyang mga kababayan ang nasabing Coronavirus Disease.
Dagdag ng alkalde nasa “stable condition” o maayos na kalagayan na siya kung saan nais niyang ipagbigay alam sa publiko upang ang lahat ng kanyang nakasalamuha mula Marso 18, 2020 ay kailangang sumangguni sa Municipal Health Office para sa “Contact Tracing” at sa pagsasagawa ng home quarantine.
Sa kabila ng kanyang nararanasan ay patuloy pa rin ang kanyang pagkakaloob ng serbisyo-publiko ng Lokal na Pamahalaan ng Baras Rizal upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Umapila ang alkalde sa kanyang mga kababayan na paigtingin pa ang paglaban sa COVID-19 at kinakailanagan umano na ipagpatuloy ang pagtupad at pagsunod sa mga alituntunin ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa pagsugpo sa COVID-19.