Kaniya-kanyang diskarte ang ilang mamimili sa Dagupan City sa kanilang budget ngayong pumasok na ang buwan ng Disyembre kung kailan kaliwa’t kanan ang mga exchange gifts sa mga paaralan at opisina.
Tulad ni Aling Nieves, na nadatnan ng IFM News Dagupan sa baratilyo sa bahagi ng Galvan St. Dagupan City, upang maaga nang makapamili ng mga pang regalo na pasok sa kaniyang budget.
Aniya, sapat lang ang kaniyang inilaan na budget pambili para sa mga batang dadalo ng Christmas party.
Para makamura—tulad ni Aling Nieves, dito sa baratilyo ang takbuhan dahil sa mga bagsak presyong mga kagamitan na mabibili dito.
Ayon naman kay Raida Abdullah, isa sa mga stall owner sa lugar, mabenta sa kanila ang mga pambatang kasuotan.
May mga mabibili rin umanong overruns sando na nasa P130, oversize shirt P150-280, crop top at pantulog na nasa P60 Depende sa klase, shorts na nasa 2 for P180, tsinelas at sandals na nasa P100 – P150 depende sa klase at marami pang iba.
Mayroon ding mabibiling isang rolyo ng gift wrapper na nasa P10 at ready-made na paper bag na nakadepende ang presyo sa size na bibilhin.
Inaasahan umano nila ang posibleng paglakas pa ng bentahan at dagsa ng mga mamimili sa kalagitnaan ng Disyembre hanggang mag-bagong taon.









