Mariing kinondena ng House Committee on National Defense ang pagkuyog ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa ating resupply mission vessel sa Ayungin Shoal kung saan nasaktan ang ilang tauhan ng Philippine Navy at isa sa kanila ay naputulan pa ng daliri.
Ayon kay Committee Vice Chairman Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, ang nabanggit na garapalang pag-atake ng China ay maliwanag na paglabag sa karapatang pantao at international maritime conduct.
Diin ni Adiong, ang naturang barbarikong asal ng China ay hindi dapat kunsintihin ng international community dahil delikado ito sa buhay ng mamamayan, nagpapaIala sa tensyon, at nakaaapekto sa prinsipyo ng pagsusulong ng kapayapaan.
Kaugnay nito ay iginiit ni Adiong na ang inaangkin ng China na bahagi ng karagatan ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas base sa United Nations Convention on the Law of the Sea na niratipikahan ng global community.
Kaya naman panawagan ni Adiong sa China na irespeto ang international law, tigilan ang mga agresibong hakbang at makiisa sa mapayapang pagresolba sa isyu.