Barbero sa Tumauini Isabela, Tinaga ng Sariling Kapatid na Gamit ang Samurai!

165

Naguilian, Isabela – Nasa kritikal na kalagayan ang isang barbero kagabi matapos tagain ng sariling kapatid na gamit ang samurai sa Barangay Surcoc, Naguilian, Isabela.

Sa imbestigasyon ng PNP Naguilian, kinilala ang biktima na si Benedict Cabalteja, tatlumput anim na taong gulang, walang asawa, isang barbero at residente ng Brgy. Namnama, Tumauini, Isabela samantala ang kapatid nito ay kinilala na si Geovani Cabalteja, apatnapu’t dalawang taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Surcoc, Naguilian, Isabela.

Batay sa pangyayari, bumisita umano ang biktima sa bahay ng kaniyang kapatid sa Naguilian at doon ay nakipag-inuman ang dalawa sa isang kapit-bahay.

Sa kalagitnaan ng inuman ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan ang magkapatid hinggil sa kanilang lupa.

Biglang umuwi umano ang suspek sa kaniyang bahay at pagbalik sa lugar ay may dala nang samurai at walang habas na tinaga ang kapatid sa ulo.

Kaagad na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na ospital samantalang dinala ng mga opisyal ng barangay ang suspek at ang samurai nito sa himpilan ng pulisya.

Facebook Comments