Baril, Granada at mga Bala, Nasamsam sa Bakbakan ng Militar at NPA sa Balbalan, Kalinga!

*KALINGA- *Patuloy na nagsasagawa ng paghahalughog sa lugar ang tropa ng 50 th Infantry Battalion matapos mapalaban sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa boundary ng Brgy. Buaya at Mabaca, Balbalan, Kalinga.

Sa inisyal na impormasyong nakuha ng 98.5 RMN Cauayan mula kay Col. Henry Doyaoen, pinuno ng 503rd Infantry Brigade, 5th ID, PA, ganap na 4:50 kaninang madaling araw habang nagsasagawa ng foot patrol ang tropa ng 50th IB sa lugar matapos tumugon sa natanggap na report mula sa mga residente kaugnay sa presensya ng makakaliwang pangkat nang maka-engkwentro ang hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA na tumagal ng halos tatlumpong minuto na palitan ng putok ng baril.

Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang M16 Armalite, Rifle, dalawang Granada, iba’t-ibang uri ng bala ng baril at mga subersibong dokumento.


Sa ngayon ay hinahanap pa ng tropa ang mga umano’y sugatang NPA na itinakas ng kanilang mga kasama base na rin sa mga impormasyon na nakalap ng mga sundalo sa mga residente sa lugar.

Facebook Comments