Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory ang klase ng baril na ginamit sa pagpatay kay Los Baños Mayor Caesar Perez.
Ayon kay PNP Crime Laboratory Director Police BGen. Steve Ludan, isang Caliber 5.56 firearm ang ginamit sa pagpatay sa alkalde.
Natukoy ito sa isinagawang autopsy sa bangkay ng alkalde kung saan nakarekober ang medico legal officer ng tatlong metallic jacket fragments.
At nang kanilang makolekta ang mga metal fragments nalaman na nagmula ito sa Caliber 5.56 firearm.
Ayon pa kay Ludan, nasawi ang alkalde sa tinamong tama ng bala ng baril sa kanyang ulo, tagiliran at kanang balikat.
Sa kabila naman na natukoy na ang baril na ginamit sa pagpatay, wala pa ring suspek na natutukoy ang pulisya sa nangyaring krimen.
Matatandaang December 3, 2020 nang pagbabarilin si Mayor Perez sa loob mismo nang kanyang opisina sa munisipyo ng Los Baños sa Laguna.