Isang lalaki sa Barangay Poblacion West, Natividad, Pangasinan ang nag-ulat sa pulisya hinggil sa nawawala niyang baril na nadiskubre niya matapos bumalik mula sa ibang bansa.
Kinilala ang nag-ulat na si Ferdinand Laquindanum Rafael, 58 anyos, na nagsabing nawawala ang kanyang 9mm HK MP5 submachine gun na may serial number 63-10-75-45.
Ayon kay Rafael, iniwan niya ang mga baril sa kanyang silid bago umalis ng bansa noong Hunyo ngayong taon.
Pagbalik niya ngayong Oktubre, napansin niyang nawawala ang isa sa mga ito.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon umano ng renobasyon sa kanyang bahay noong Mayo 2025, kung saan pinatulong niya ang mga manggagawa na ilipat ang mga baril sa katabing bahay.
Pagkatapos ng sampung araw, ibinalik ng mga ito ang mga baril, ngunit hindi na niya muling sinuri ang mga ito dahil sa pagtitiwala sa mga tauhan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Natividad Police upang matukoy kung sino ang posibleng kumuha sa naturang baril.









